Saturday, September 6, 2008

Saying Good Bye


This is one letter I composed when I left one of the more homey companies I've worked in.

I love you guys, hope to see you soon!

Text text lang pag may lakad ah!



“The one thing that is constant in this life is change.”

------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Pagbabago. Marahil ito ay isang bagay na hindi natin maiiwasan sa buhay. Kasali ang lahat sa umiikot na sirkulong ito at kailangan nating pagdaanan…

Naalala niyo pa ba noong tayo’y mga bata pa lamang? Noong mga panahon na tayo’y musmos sa realidad ng buhay?

Tanging paglalaro lamang sa kalye ang nasa isipan natin: ang manalo sa basketbol, jumping rope, tex, holen o tumbang preso. Makipusta sa kalaro sa laban ng gagamba o batuhang bola.Yung tumabay sa bahay ng kalaro natin at makinood ng telebisyon o makilaro nang usong-uso Sega o Nintendo.

Nang tumanda tayo ng kaunti, pagtungtong natin sa elemantarya - pag aaral naman ang ating inaasikaso. T-in-errorize ng nakakatakot mong teacher sa Math at Science, nagluto sa Home Economics class ng maruya, banana-cue at fruit salad. Nagsuot ng Filipino costume tuwing Linggo ng Wika at naghuhuli ng kamag-aral na nag-tatagalog noong English Campaign.

Natapos ang elementarya. Nagpaalam tayo sa ating mga mahal na kamag-aral, guro, tambayan at ang ating Alma Mater.

Dumating ang panahon na ikaw ay naging isang hayskul student. Doon mo naman nakilala si Jose Rizal, Pascal, Aristotle, Queen Elizabeth at si Hitler. Nakilala din natin ang Sin-CoSin-Tangent, Periodic Table of Elements at ang Ibong Adarna. Ang Black Plaque, Pang-Abay, Tang Dynasty, El Filibusterismo; Pati si George Washington, ang Parts of a Cell, Centrifugal at Centripetal Force, si Karl Marx. Siyempre andyan din ang overnight projects, CounterStrike, Battle Realms at Magic Cards, mga liga ng basketball versus sa mga kalapit na eskwela…nag-iyakan retreat, sumali sa mga contest, sumayaw at kumanta sa harap ng mga guro, magulang at kapwa kamag-aral at napgalitan ng Commandant sa CAT.

Natuto din tayong umibig. Naalala mo pa ba yung first crush mo noong elementarya? Yung inaabutan mo ng Choc-Nut para lang maka-usap mo? Yung crush mong teacher na lagi mong tinutulungang magbuhat ng libro papunta sa faculty room? E paano naman yung kapitbahay mo na niyaya mong “date” noong Junior at Senior prom?

Natutunan din ang kahulugan nang tunay na pagkakaibigan. Kung paano kayo mag asaran, mag-away at magbati ng paulit ulit, kung paano niyo pag usapan ang mga crush ninyo; kung paano niyo sinusuportahan ang kaibigan niyo sa panahon ng pangangailangan - tuwing may test - at kung paano niyo ipagtanggol ang isa’t isa sa mga kaaway ninyo.

Natapos ang hayskul. Nagpaalam tayo sa ating mahal na kamag aral, guro, tambayan at ang ating Alma Mater.

Sa kolehiyo natikman natin ang kapiraso ng tunay na buhay. Lahat nang kailangan mong malaman sa alak at layaw; saya at lungkot, sakit at sarap, pagkapanalo at pagkatalo, galit at pasensya, pakikisama;

Nadapa, tumayo at natuto.

Humarap at lumakad nang muli.

Natapos ang kolehiyo. Nagpaalam tayo sa ating mga mahal na kamag-aral, guro, tambayan at ang ating Alma Mater.

Nagtrabaho, nag aral nang muli, hinabol ang mga pangarap, naging isang tatay o nanay.

Isang yugto sa mga ating buhay and lumipas.. tila mga sundalo na nasa gitna ng giyera –Nagsisikap, nagtitiyaga, nagtitimpi sa pait ng realidad - lumalaban para mabuhay.

------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Ganoon lang ang buhay! Isang gulong na patuloy-tuloy sa pag ikot. Maitatanong mo na lamang sa sarili mo, saan na napunta ang panahon? Nasaan na ba ako? Ano na ang estado ko sa buhay? Naging matagumpay ba ako? Masaya na ba ako sa buhay ko?

Nagkaroon ba ako ng “impact “ sa buhay ng ibang tao?

Ikaw lamang ang makasasagot.

------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Salamat sa yugtong ito na aking maisusulat sa libro nang aking kasaysayan.

1 comment:

Kenshin said...

you sounded like Bob Ong here...